Sam Verzosa talks about his devotion to the Black Nazarene
Hindi itinanggi ng Dear SV host na si Sam Verzosa ang pangamba na naramdaman sa pagsampa niya sa andas ng Nuestro Padre Jesús Nazareno nang lumahok siya sa Traslacion o prusisyon ng naturang imahe noong Enero 9, 2025.
Andas ang tawag sa kinalalagyan ng Nazareno na pinatatakbo ng lubid na hinihila ng mga taong nakayapak habang sumisigaw ng “Viva Nazareno!”
Matagal nang deboto si Sam ng Nazareno na pinaniniwalaang nagmimilagro at panata niya ang taun-taong pagsali sa Traslacion.
Kaya siya ang kinausap ng Cabinet Files para magbahagi ng kanyang karanasan bilang miyembro ng Hijos del Nazareno.
Sam on climbing the andas
Malaking hamon para sa mga deboto ng Nazareno ang sumampa sa andas dahil tiyak na may mga nasasaktan at pinatotohanan ito ni Verzosa.
“May kaunting takot ako na nararamdaman sa tuwing sumasampa ako sa andas, pero bigla naman nawawala kapag nakita ko na ang Mahal na Nazareno.
“Nagkakaroon ako ng kakaibang lakas at determinasyon na magawa ang mga dapat kong gawin at natutupad naman ito.
Video: Jojo Gabinete (video) / Rommel Llanes (edit).
“Bawat balangay po o grupo ng Hijos del Nazareno ay may kanya-kanyang oras ng torno. Ang balangay po namin ng Hijos del Nazareno ay sumampa sa andas sa C. Palanca Street patungong Quezon Boulevard.”
Ang torno ay ang sandali o pag-ikot ng katungkulan ng bawat grupo o balangay ng Hijos del Nazareno na humila, tumulak, sumampa, at magbantay sa andas na kinalalagyan ng imahe ng Poong Itim na Nazareno. Ayon sa local historian na si Dr. Xiao Chua, may anim na grupo na ng Hijos del Nazareno.
Pagpapatuloy ni Sam, “Mga dalawa at kalahating oras po ako nakasalang sa andas ng ating Mahal na Nazareno.
“Habang nasa andas po ako ay wala naman po akong inalala para sa aking kaligtasan dahil mas nag-aalala ako para sa mga kapwa ko deboto.
“Marami po sa mga sumasampa sa andas ang mga first timer at mga kabataan. Marami sa mga sumasampa ay nagdarasal para sa kanilang mga mahal sa buhay at paggaling ng sakit ng mga anak at kapamilya nila.
“Hindi ko po makakalimutan ang mga kapwa ko deboto na tunay na nagpapakahirap na makalapit sa andas at nagmamakaawang tulungan silang maabot ang andas ng Nazareno.
“Humihingi sila ng mga milagro at nagdarasal para gumaling ang karamdaman ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Yun po ang karaniwang mga panalangin na naririnig ko habang nasa andas ako.”
fulfilling his panata
Hindi madali ang sumampa sa andas dahil sa mga taong nagsisiksikan at nag-uunahan na makaakyat kaya matinding pagod ang naramdaman ni Sam, pero hindi ito nagpatinag o nagpatalo.
Mas nangibabaw kay Sam ang determinasyon na tuparin ang kanyang panata.
“Napakasikip at sobrang pagod ang naramdaman ko habang nasa itaas ng andas, pero hindi ko na ininda.
“Ang pasasalamat ang nasa isip ko dahil nabigyan ako ng pagkakataon na makapagsilbi at pangalagaan ang Mahal na Nazareno.
“Sa loob ng labing-anim na taong debosyon ko sa Mahal na Nazareno, walang taon na hindi ako nakasampa sa andas.
“Tanging nung pandemic lang ako hindi nakasampa dahil walang ginanap na Traslacion,” rebelasyon ni Verzosa na itinuturing ang “Dungaw” bilang pinaka-nakakaiyak na bahagi ng Traslacion at nagpapaluha sa lahat ng mga saksi.
“Dungaw” ang tawag sa pagtatagpo ng imahe ng Nuestro Padre Jesús Nazareno at ng ina Nitong si Birheng Maria sa harap ng simbahan ng San Sebastian o Basílica Menor de San Sebastián sa Plaza del Carmen, Manila.
“Naiiyak po ako palagi sa Dungaw dahil sa kakaibang tagpo. Napakarami ang mga alaalang bumabalik sa isip ko.
“Isa rin po akong devotee ng Our Lady of La Naval dahil nag-aral ako ng elementary at high school sa Angelicum School ng Sto. Domingo Church. Kaya palagi akong nagdarasal kay Mama Mary na ibinigay sa akin ang lahat ng mga kahilingan ko noong bata pa ako.
“Sa mga unang taon naman ng pagiging deboto ko ng Mahal na Nazareno, pag-asenso sa buhay ng pamilya at mga kaibigan ko ang mga panalangin ko.
“At ngayong nasagot na Niya ang lahat ng mga dasal ko noon, puro pasasalamat na lamang ang mga dasal ko.”
Sam’s fulfillment
Ayon kay Sam, a la-una ng madaling araw ng Biyernes, Enero 10 nang makarating ang andas sa simbahan ng Quiapo at dito na sila naghintay ng mga kasamahan niya sa Hijos del Nazareno.
Aniya, “Kakaibang fullfillment po sa aming mga deboto ang pakiramdam na maihatid nang maayos sa loob ng simbahan ang Poong Nazareno at matapos ang buong Traslacion 2025.
“Alas-kuwatro ng madaling-araw nang makauwi ako ng bahay, at 6 A.M. na ako nakatulog.
“Kasama po sa sakripisyo ang puyat at pagod pero lubos ang pasasalamat ko sa Mahal na Nazareno dahil binigyan niya ako ng lakas ng katawan para malampasan ang araw-araw na trabaho.”
Nang tanungin naman ng Cabinet Files kung ano ang dahilan ng masidhing debosyon ng mga Pilipino sa Nuestro Padre Jesús Nazareno, nagbigay agad ng paliwanag si Sam.
“Dahil po sa mga milagrong nagagawa ng Itim na Nazareno sa mga kababayan natin—mga napagaling na sakit, mga problemang nalutas, mga buhay na napaganda, at biyayang kaloob ng Mahal na Poon sa mga kapwa ko deboto,” pagtatapos ni Sam.