Frontmen & Rock Chix concert features iconic ’90s lead singers
Magsasanib-puwersa sina Wency Cornejo ng AfterImage, Naldy Padilla ng Orient Pearl, Cooky Chua ng Color It Red, at Lei Bautista ng Prettier Than Pink sa concert na Frontmen & Rock Chix.
Gaganapin ito sa Enero 25, 2025, Sabado ng gabi sa Music Museum, Greenhills, San Juan City, Metro Manila.
“Itong run natin has been going on since 2017,” pahayag ni Lei sa mediacon noong Enero 10, Biyernes ng hapon sa Borro restaurant sa Sct. Bortomeo St., Quezon City.
“So, nag-start ito sa show namin sa Solaire the first time to celebrate the nth birthday of Wency nung time na yun, ha?
“And since then actually, we were very busy with a series of shows. Umabot ng Dubai, ng South Korea—kami, no, the same group. Iba-ibang titles…”
Enero 2020 yung huling show nila na magkakasama sila sa South Korea. Pag-uwi nila ng Pilipinas ay nag-lockdown na dahil sa paglaganap ng COVID-19 pandemic.
Pagbabalik-tanaw ni Wency, “Actually I think I had COVID during the time we did the show in Korea. Feeling ko.
“Of course during the time, wala pa namang test to see if you got the virus or not. Pero during the time, the day after the show, I was sick.”
FUN SHOW
Pagpapatuloy ni Lei, “So we’re very excited to come together again, kaming apat. And madami kaming pakulo.
“We’re going to do not only our hits but other hits… may mga pa-gimik kami na surprises. Basta, kahit kami, nung nagko-conceptualize kami, tawa kami nang tawa.
“But it’s going to be a fun show.”
Personally, ang target ni Wency ay dalawang oras lang ang kanilang concert.
Sey ni Naldy, “Parang sa sobrang haba nga ng ginawa naming repertoire, malakas ang kutob ko on the spot, magka-cut kami!
“Ganun palagi ang nangyayari, e! Pag nagko-conceptualize kami nina Wency, kaming apat ng repertoire namin, ‘no. So akala mo, on paper, ‘Kayang-kaya natin ito! Dalawang oras ito!’
“Pagdating on the spot, cross out, cross out. Ha-ha-ha! Mga ganun! Ha-ha-ha-ha-ha!
Sabat ni Lei, “Kasi si Wency pa lang mag-spiel…”
Pasok uli ni Naldy, “Siksik talaga, siksik. Sa sobrang siksik, kailangan mong magbawas.”
Saad naman ni Wency, “Si Lei nagsalita, ako daw mahabang mag-spiel. Mas malala ka yata sa akin! Ha-ha-ha!”
“Ako rin ba?” poker-faced na tanong ni Lei.
TIMELESS MUSIC
Nasa repertoire ng Frontmen & Rock Chix concert ang mga kantang “Next in Line,” “Pagsubok,” “Cool Ka Lang,” “Paglisan,” “Tag-Ulan,” “Na Naman,” “Habang May Buhay,” “Kasalanan,” “Mangarap Ka,” “Cry In The Rain,” at “BF Kong Baduy.”
Nasa kamalayan pa ng mga tao ang iconic songs na ito.
Sabi ni Cooky, “Buhay na buhay siya. Siyempre maraming shows na siyempre grateful kami dahil sa totoo lang, yung fire naman of performing our songs ay ever burning.
“Lagi namang andiyan yung pagnanais makatawid. Siyempre maganda rin yung may mga bago, pero to celebrate it tapos kasama pa yung mga friends, ako personally sobrang grateful and excited.
“Lagi akong masaya makita silang tatlo.”
Pagmamatwid ni Naldy, “Sa akin naman, katulad ng sinasabi ko sa kanila kanina, I mean hindi na kami spring chicken, e. May edad na kami.
“Malalaman mo na may edad ka na kapagka dumating ka sa presscon. Noong araw, noong ’90s, ikaw ang pinakabata sa kuwarto.
“Ngayon pag nagpe-presscon kami, mas matanda na kami sa mga reporter at sa mga media.”
Natawa sina Cooky, Wency, at Lei.
Dugtong ni Naldy, “Kaya alam mong may edad ka na. Kailangang mag-iingat-ingat ka sa kilos mo. Ha-ha-ha-ha!”
Pananalig ni Wency, “Probably on a more serious note, I think it boils down to… it has something to do probably with the economics of things.
“Kasi yung audience namin from before, probably sila na yung medyo may pera ngayon. Kaya nang bumili ng tickets.”
Singit ni Naldy, “Yes, totoo iyan. Kaya may renaissance in a way.”
Pagkontra ni Wency, “I don’t think you could say it’s a renaissance because it’s always been there.
“Ahhh… I’d also like to think na yung music kasi namin is very, very, very, very influential and timeless, of course.
“Kahit naman siguro yung mga nauna sa amin during the ’70s, during the ’80s, timeless din naman yung kanila.
“All the eras will have their own timeless—for lack of a better word to use—timeless na music.
“And it just so happened na our era was an era filled with timeless music.
“So hanggang ngayon, buhay pa rin kami as performers, as artists, as singers, as composers, as musicians in general dahil nga napaka-influential at napakarami namin.
“Ang dami mong mapapagpilian. This is just the tip of the iceberg when it comes to the performers of the ’90s, especially when you say the bands of the ’90s.
“Apat lang kami. I think there are more than 30 as proven yung sinabi ni Lei na nag-show kami sa Solaire… Overload kasi there were 12 of us.
“And hindi man lang nangalahati yun ng talagang tina-target ko because I was a producer for that show.
“Hindi pa yun kalahati nung mga naka-list down na possible performers for that show. Ang dami talaga namin, e!
“And isalaksak mo kahit sino dun sa mga taong nanggaling sa panahon namin, you will have a fantastic show.”
WOKE GENERATION
Sa current singers, sino ang ine-enjoy nilang pakinggan? Yung nasa Spotify nila?
Pagtawa ni Wency, “Ha-ha-ha! Si Naldy, magagalit sa akin! Ha-ha-ha! Pinagdiskusyunan namin ito nung nag-inuman sa bahay. Ako, I love SB19. I really love SB19!”
Singit ni Naldy, “Pucha! Akala ko, 17… 19 pala?!”
Dagdag ni Wency, “Nagagalingan talaga ako sa SB19. Of course, yung mga litaw, si Pablo and Stell. Si Pablo, I believe, has the heart of a rocker. I believe.
“And Stell, everybody knows he’s such a fantastic singer.”
Pahayag ni Naldy, “Kasi ang sa akin naman, hindi naman sa… I have nothing against yung mga bagong grupo ngayon.
“It’s just that talagang I am mangmang pagdating diyan sa… kasi, pag mapapansin ninyo, sa aming apat, ako talaga ang practically zero social media presence.
“Hindi ko talaga hilig. So hindi ko nae-encounter. Mas marami pang alam yung nanay ko sa akin, e. Kung sino yung mga BINI, mga ganyan! Hindi ko alam.
“Hindi pa ako maka-warm up masyado sa ano nila, e. I have nothing against them. Baka hindi ko na lang generation siguro. Puwedeng pag-aralan.”
DANCING ROCKER
Pagtatapat ni Cooky, wala pa siyang Spotify. Nakiki-YouTube Premium lang daw siya sa kaibigan.
Salaysay ni Cooky, “Hindi ko talaga sila listening. SB19… nirerespeto ko yung work ethic nila. Pero lately, ewan ko ba kung bakit ako na-obsess kay Taylor Swift…
“Kasi parang reminiscent siya ng ’80s, e. May mga song siya na… e, sobrang adik ako sa ’80s. Pero usually din, talagang hindi natatanggal sa page ko yung mga standards.
“’Tapos ang hilig ko dun sa ’70s, yung mga ‘Dancing Queen.’ May nag-comment, kasi gumawa ako ng post ko sa social media, ‘Anong ginagawa mo?! Rocker ka!’ Yung mga ganun.”
Bet naman ni Lei ang songs ni Bruno Mars. Pinanood niya ang concert nito last year.
Sabi pa ni Lei, “I don’t know yung mga bagong bata. Siguro ang pinakaano na is nung buo pa ang IV of Spades.
“Kasi napanood ko sila sa BGC, sa Globe theater dun. Parang I was just passing by, and I was like, ‘Sino yang mga yan?!’
“Napa-stop ako, napapunta ako at napapanood ako. And I was like… WOW!”
Paborito ni Cooky sa mga bata ang Waki & The Winstons. Ang paborito naman ni Naldy ay RadRed na ang singer ay si Jose Carlito Padilla.
Sabi ni Wency, “Si Cooky, anak niya yon. Si Naldy, anak din niya yon.”
Sa kanilang apat ay si Naldy ang meron nang apo.
Sabi ni Wency, “Si Naldy is probably the first from our batch of musicians who has become a lolo. And because of Naldy, lolo’t lola na rin kaming lahat.”
“By affinity,” pakli ni Lei.
“Tita lang ako,” hirit ni Cooky.
“Tumigil ka diyan! Ha-ha-ha-ha!” paghalakhak ni Wency.
Ang tickets sa Frontmen & Rock Chix concert ay mabibili sa Ticket World at Ticket 1 branches. Ang halaga ng tiket ay PHP4,500 (orchestra center), PHP2,500 (orchestra side), at PHP1,500 (balcony).