Pauleen Luna gets “rape threats” because of teaser, claims lawyer
Trigger warning: mention of alleged rape, threats, bullying
Apektado umano pati ang asawa ni Vic Sotto na si Pauleen Luna anak na si Tali Sotto sa diumano’y mapanirang movie teaser na hinulma ng direktor na si Darryl Yap.
Base ito sa pahayag ng abogado ni Vic na si Atty. Buko dela Cruz.
“Sa ngayon nakakatanggap ng mga rape threats yung asawa niya, binu-bully yung kanyang anak sa eskuwela, so kailangang umaksiyon talaga,” saad ni Atty. dela Cruz.
Paanong threats?
Paliwanag ni Atty. dela Cruz, “Sa mga comments, kung babasahin mo yung mga comments dun sa mga posts, nati-trigger ito dahil sa teaser video na inilabas.
“Whatever good intentions you might have, the effect is already there.”
So talagang affected ang family?
“Apektado talaga,” diin ng abogado.
Ang tinutukoy ni Atty. dela Cruz na aksiyon ay ang paghain ni Vic ng petisyong writ of habeas data sa Muntinlupa Regional Trial Court noong January 7, 2025.
Kahapon, January 9, lumabas ang order na nagbabawal sa pagpapalaganap pa sa anumang promotional materials ng kontrobersiyal na pelikula ni Darryl.
Nilagdaan ito ni ni Presiding Judge Liezea Aquiatan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205.
COURT ORDER VS DARRYL YAP TEASER
Ayon sa abogado ni Vic, ang teaser video lamang ng The Rapists of Pepsi Paloma ang saklaw sa writ of habeas data petition nila sa korte.
Paano kung maipapalabas ang pelikula sa mga sinehan?
Sagot ng abogado, “Pag ipinalabas, saka na natin siguro i-evaluate kung may probable cause, kung merong basehan para kasuhan.
“Sa ngayon, ang basehan ng kaso ay yung teaser video na ipinalabas.”
Ayon kay Atty. Buko, may multang kulong ang cyberlibel sakaling makasuhan at mapatunayan sa korte na may pagkakamali ang kampo ni Yap.
Aniya, “Hihintayin siguro natin sa korte na umabot ito at ang korte ang hahatol ng pagkakakulong. Meron po, may kulong.”
Ano ba ang pinaka-prayer ng kanilang reklamo?
Sabi niya, “Ang prayer po sa criminal case ay ma-file po ito sa korte at makulong ang respondent sa criminal case.”
Sa ngayon ay nasa piskalya pa lamang ang reklamong inihain ni Vic laban kay Darryl. Wala pang pormal na kaso laban sa direktor.
VIC SOTTO NOT CONTACTED FOR CONSENT, SAYS LAWYER
Bukod sa naunang writ of habeas data petition, inihain ni Vic ang 19 counts of cyberlibel laban kay Darryl sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office, kahapon, January 9, 2025.
Dito ay sinabi niyang hindi siya kinunan ni Darryl ng panig bago inilabas ang teaser trailer ng The Rapists of Pepsi Paloma, kunsaan direktang binanggit ang pangalan ni Vic.
Sabi ni Vic, “Wala. So, wala akong… walang kumonsulta, walang nagpaalam, so walang consent.”
Dagdag ni Atty. dela Cruz, “Yun po ang basehan kung bakit nag-file kami ng writ of habeas data dahil walang consent.
“At sa ilalim ng ating Data Privacy Act, ang mga sensitive personal information hindi mo puwedeng i-collect, i-process, i-share, i-disclose nang walang pahintulot ng data subject.
“Kaya yun po ang basehan ng reklamo.”
Vic Sotto with legal counsel Atty. Buko dela Cruz
Damay kaya ang mga nag-share at nagkomento?
Paliwanag ni Atty. dela Cruz, “Yes po, kasama po. Kasi ang paglabag sa karapatang pantao, hindi po ibig sabihing good faith.
“Kung alam mong mapanira ito, huwag mo nang i-share o i-post dahil kasama ka sa nagko-cause ng publication, isa ka sa mga naninira sa isang taong pribado.”
Paano na ang tinatawag na “freedom of expression?”
Tugon niya, “Tama po, pero may limitasyon. At ang libel, di kasama sa pinoproteksiyunan.
“Malaya kang magbigay ng sarili mong katotohanan, pero hindi mo puwedeng ibenta at manira ng iba.
“Kaya maraming pelikula na gumagamit ng ibang alyas, gumagamit ng ibang pamamaraan para hindi makasakit at makapanira ng iba.
“Pero ito, diretsahang tinawag na rapist ang aking kliyente.”
Kung sa teaser ay nabansagang “rapist” si Vic, may ibang netizens ang nagtatanong na baka raw may “twist” sa pelikula dahil ganoon umano ang estilo ng direktor na si Darryl.
Komento ng abogado, “Sa libel kasi, hindi yung intensiyon ng writer o ng author ang mahalaga kundi ang epekto niya sa iyong biktima.
“So, it’s not your good intentions that will matter. Ang magiging epekto nito sa iyong biktima.”
Itinakda naman ng hukuman ang summary hearing ng writ of habeas data sa darating sa January 15, 2025, 08:30 A.M., sa Muntinlupa RTC Branch 205.