Rita Daniela details text exchange with Archie Alemania
Isinumite ni Rita Daniela ang palitan ng text messages nila ni Archie Alemania bilang aniya’y patunay ng reklamong acts of lasciviousness na isinampa niya laban sa aktor.
Pinirmahan at pinanumpaan ni Rita ang kanyang reklamo sa Office of the City Prosecutor sa Bacoor, Cavite, nitong Miyerkules, October 30, 2024.
Pirmado ito ni Associate City Prosecutor Timoteo Patricio Pineda Jr.
Sina Rita at Archie ay co-stars sa Widows’ War, ang ongoing primetime series ng GMA-7 na pinagbibidahan nina Bea Alonzo at Carla Abellana.
Sa annex ng kanyang sworn affidavit, ipinakita ni Rita ang screenshot ng text message ni Archie matapos niyang makatakas sa diumano’y kahalayang ginawa sa kanya ng aktor.
Base rito, eksaktong 3:46 A.M. ng September 9, Lunes, nang mag-text si Archie kay Rita ng “Huy.”
Sumunod dito ang diretsahang pagsabi ni Rita kay Archie na bagamat na-appreciate niya ang paghatid ng aktor sa kanya sa bahay ay hindi nagustuhan ng aktres ang pambabastos umano nito sa kanya.
Bahagi ng text message ni Rita (published as is), “i feel so disrespected and violated.”
Dagdag pa ni Rita (published as is), “u took advantage of the moment.”
Sinundan ito ni Rita ng text message na nagsasabing pinapauwi na niya si Archie.
Hindi raw kasi kaagad umalis ang sasakyan ng aktor sa tapat ng bahay ni Rita.
Tinext ni Rita kay Archie na nakakagambala sa mga kapitbahay ang tahulan ng mga aso dahil naroon pa ang sasakyan ni Archie.
May natanggap si Rita na mensahe mula kay Archie na ang sabi lang ay “Huy.”
Makalipas ang ilang oras matapos ang insidente, eksaktong 1:11 P.M. nang mag-text ulit si Archie kay Rita.
Sabi sa text message ni Archie (published as is), “Sorry kagabi lasing na kuya mo.”
Base sa sworn affidavit ni Rita, pinayuhan siya ng kanyang legal counsel na ang pagsabi ng “sorry” ni Archie ay maituturing umanong pag-amin sa ginawa nitong kahalayan.
“Clearly, therefore, the attached exchange of messages between myself and the Respondent wherein he apologized to me for what he did is an implied admission of his guilt that he indeed sexually violated me, following the consistent rulings of the Supreme Court in a long line of cases regarding implied admission of guilt by plea of forgiveness,” bahagi ng paliwanag ni Rita.
Nagsumite si Rita ng “AFFIDAVIT OF AUTHENTICATION” para sa screenshots ng palitan nila ng mensahe ni Archie.
THE ALLEGED INCIDENT
Base pa rin sa sworn affidavit ni Rita, nagsimula ang aniya’y pambabastos sa kanya ni Archie sa thanksgiving party na inorganisa ng co-star nilang si Bea sa bahay ng huli sa Quezon City.
Pasado alas dose ng hatinggabi nang dumating si Rita sa party, at umuwi rin siya bandang 2:30 A.M. ng September 9.
May mga hindi magandang salita na nabitiwan si Archie para kay Rita sa party.
Pero pumayag daw si Rita na sumabay kay Archie pauwi nang pilitin umano siya nitong i-cancel na ang grab-hailing service na dapat sana’y sasakyan ng aktres.
Diumano, nasa daan pa lang sila sakay ng SUV ni Archie ay may senyales na ng intensiyon nitong bastusin si Rita.
Salaysay ni Rita, hinimas umano ni Archie ang leeg at balikat niya habang nasa sasakyan.
Pinaalis daw ni Rita ang kamay ni Archie at nagsabing, “Kuya wag ganyan, Kuya kita eh.”
Nang makarating daw sila sa tapat ng bahay ni Rita, noong una ay nagsabi raw si Archie na gusto siya nitong halikan. Pero mariin umanong tumanggi si Rita.
Tinakot pa raw ni Rita si Archie na kilala ng aktres ang asawa ng aktor.
Pero hidi umano natinag si Archie.
Sapilitan umanong hinalikan ni Archie si Rita sa labi nang ilang beses kahit na pumalag daw ang aktres.
Ayon pa kay Rita, dalawang beses siyang pinigilan ni Archie na makaalis ng sasakyan, sa kabila ng pagpupumiglas at pagsigaw niyang tigilan na ng aktor ang pang-aabuso sa kanya.
Sa isang punto ay hinaltak umano ni Archie si Rita, mahigpit na niyakap, at hinawakan ang dibdib.
Nang malisyoso umanong bumulong si Archie na “Pa-booking naman, sige na,” napaiyak daw si Rita pero buong lakas muling nagpumiglas ang aktres at tuluyang nakawala sa mahigpit na pagkakayakap ng aktor.
Hindi raw akalain ni Rita na magagawa sa kanya iyon ni Archie, na itinuturing niyang parang nakatatandang kapatid.
RITA DANIELA’S PLEA
Naniniwala si Rita na may sapat na basehan para makasuhan si Archie.
Salaysay ni Rita, base sa payo ng kanyang legal counsel, ang nakasaad sa batas na tatlong elemento ng acts of lasciviousness ay makikita umano sa pang-aabusong ginawa ni Archie sa kanya.
Ang first element ay may kinalaman sa mismong akto ng kahalayan.
Ayon kay Rita, makikita iyon mula sa mga binitiwang salita ni Archie na nagpapahaging ng aniya’y pagnanasa sa kanya, hanggang sa mismong akto ng isinagawa nitong kabastusan.
Ang second element ay may kinalaman sa paggamit ng “force” at “grave abuse of authority.”
Pasok daw rito ang aniya’y ginamit na pamumuwersa sa kanya ni Archie, na itinuturing niyang nakatatandang kapatid.
Ang third element ng probisyon ng batas ay tumutukoy sa offended party na mapa-babae o lalake.
Pasok din daw iyon sa inirereklamo ni Rita laban kay Archie.
Sabi pa ni Rita, bilang artistang may pinuprotektahang reputasyon, mahirap para sa kanya ang maghain ng reklamo.
Pero diin din niya, “the trauma I was and am experiencing brought about by the incident gave me courage to face the consequences and file the instant case against the Respondent.”