DOJ files rape case vs 2 GMA independent contractors
Trigger warning: Mention of rape and sexual abuse
Sinampahan ng Department of Justice (DOJ) ng mga kasong rape through sexual assault at acts of lasciviousness ang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz.
Ito ay kaugnay sa alegasyon ng baguhang aktor na si Sandro Muhlach na pang-aabusong seksuwal ng dalawang independent contractors sa kanya.
Ayon sa ulat ng GMA News Online ngayong Miyerkules, Oktubre 30, 2024, one count of rape through sexual assault at two counts of acts of lasciviousness ang isinampang kaso ng DOJ laban sa dalawa sa Pasay Regional Trial Court (RTC).
Nakitaan daw ng prosecutors ng “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction” laban sa dalawa.
Na-raffle ang kaso sa Pasay RTC Branch 115.
Nag-ugat ang kaso ng DOJ mula sa inihaing reklamo ni Sandro sa National Bureau of Investigation (NBI) noong August 19, 2024.
Naghain ng motion sina Cruz at Nones upang ibasura ang reklamo.
Pero sa 20-pahinang resolusyon ng panel of prosecutors ng ahensiya, nakitaan nila ng karampatang ebidensiya na may nangyaring pang-aabuso at puwersahan pa umano ito.
Nakasaad sa resolution: “It is clear from the statement of complainant Sandro in his affidavit that he repeatedly resisted and pleaded with respondents to stop their unwanted sexual advances.
“Unfortunately, complainant Sandro was too physically too weak and dizzy to succeed due to the effects of the drugs and alcohol.”
SANDRO MUHLACH’S REACTION
Kaagad nag-react si Sandro sa balitang ito mula sa GMA News.
Sabi niya sa kanyang Instagram Story ngayong araw din, “From pain to purpose, God’s guidance lights the way. Survivor, not victim.”
GMA INDEPENDENT CONTRACTORS CAMP STATEMENT
Nagpadala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pahayag si Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado nina Nones at Cruz, kaugnay ng pag-akyat ng kaso sa DOJ.
Hindi pa raw sila makapagbibigay ng karampatang pahayag dahil hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolution.
Buong pahayag ni Garduque: “We have not received a copy of the resolution yet. We will Issue a statement as soon as we receive the copy and we have read the basis of the department in giving due course to the complaint. Thank you.”
SANDRO MUHLACH CASE
Ang reklamo ni Sandro laban kina Nones at Cruz ay may kaugnayan sa alegasyong panghahalay diumano nito sa baguhang aktor noong madaling-araw ng July 21 sa isang hotel sa Pasay City.
August hanggang September, mainit na pinag-usapan online ang sinapit umano ni Sandro sa kamay nina Jojo at Dode na humantong pa sa pagdinig sa Senado.
Pagsapit ng Oktubre, unti-unting nawala ang alingasngas sa kasong isinampa ni Sandro sa dalawang GMA independent contractors.
Dahilan para pag-isipan ito ng publiko na pumayag nang makipag-areglo si Sandro.
May lumutang pang haka-haka na baka binayaran umano ang aktor kaya bigla na itong nanahimik.
Bagay na mariing itinanggi ni Sandro.
Sa kanyang Instagram Story noong October 11, idiniin ni Sandro na hindi kailanman mababayaran ng salapi ang pakikipaglaban niya upang makamit ang hustisya.
Ibinahagi niya ang screenshots ng ilang comments online tungkol sa panandalian niyang pananahimik sa gitna ng kanyang legal battle.
“Sandro, ano nga bang nangyari sa kaso mo? Binayaran ka ba para manahimik?” tanong ng isang nagkomento.
Sabi pa ng isa (published as is), “baka inayos…baka tinulungan ng gma…”
Saad pa ng isa, “2 option lang yan nasa korte na at di na pwede ipublic or nagkaayos na yan.”
“Nbalewala lang un pinaglaban ni Sandro,” dagdag pa ng isa.
Paliwanag ni Sandro, wala siyang balak iurong ang reklamo.
Sa ngayon ay hinihintay pa raw ng kanyang kampo ang pasya ng korte, dahilan ng panandalian nilang pananahimik.
Ani Sandro: “Still waiting for the resolution of DOJ (Department of Justice) and GMA Legal.
“Hindi po ako binayaran and never po ako magpapabayad for settlement.
“Kahit po kami ng legal team ko naghihintay sa case.”
Apela pa ng aktor sa publiko (published as is), “Wag niyo po pangunahan lahat. I will not be silenced. Just wait.”
Dagdag pa niya, “We have more yet to reveal.”