Backrider ng motor, nasawi habang tsuper nito sugatan sa aksidente

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang lalaki sa banggaan ng motorsiklo at close van sa Brgy. District 1, San Manuel, Isabela.

Ang nasawi ay si Julius Kalinga, ang angkas sa motorsiklo na minamaneho ni JV Estrada at kapwa residente ng Brgy. Santiago, Quirino, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, Hepe ng San Manuel Police Station, sinabi niya na habang binabagtas ng motorsiklo ang kahabaan ng national highway patungong bayan ng Roxas ay lumiko ito pakaliwa patungo sa kabilang bahagi ng daan.

Hindi pa ito tuluyang nakakarating sa kabilang bahagi ng kalsada nang mahagip ito ng paparating na close van na minamaneho ni Francisco Manwik Jr. na residente naman ng Cordon, Isabela.

Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang dalawang lulan ng motorsiklo na agad namang isinugod sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay si Kalinga habang nilalapatan ng lunas.

Nag-signal naman ang motorsiklo na liliko ito ngunit nang dahil sa parehong mabilis ang patakbo ng dalawang sasakyan ay nagresulta pa rin ito sa banggaan bagama’t sinubukan namang umiwas ng close van.

Sa ngayon ay wala pa namang pag-uusap ang suspek at ang pamilya ng mga biktima.