Marco Sison, Rey Valera comment on P-pop, new breed of singers

NKKLK ang P-pop number nina Rey Valera at Marco Sison sa concert nilang Ang Guwapo at ang Masuwerte na gaganapin sa Nobyembre 22, 2024 sa Music Museum, Greenhills, San Juan City.

Ayaw nilang magbigay ng detalye tungkol sa kantang iyon, lalo pa’t may humulang mag-aala-SB19 sila at hahataw ng “GENTO.”

Ano ang masasabi nila sa SB19?

SB19's A'TIN gets landslide win at Billboard Fan Army Face-Off 2024
SB19

Photo/s: SB19 on Instagram

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

“Alam mo, nakakatuwa nga, e!” bulalas ni Marco sa mediacon noong Oktubre 9, Miyerkules ng hapon, sa Aromata restaurant, Sct. Dr. Lazcano St., Quezon City.

“Personally, ako, natutuwa ako. Iba na ang porma ng Original Pilipino Music [OPM)] ngayon, e. Ibang-iba na siya talaga. Nakakatuwa!

“Lagi kong sinasabi pag naiinterbyu ako about new singers or new groups that are coming up, ‘OK lang, masaya. The more, the merrier,’ di ba?”

Si Marco ang may gusto na mag-P-pop. Napahinuhod niya si Rey.

Pagmamatwid ni Marco, “Aside naman from our hits, di ba, siyempre meron kaming dapat kantahin na bago. Yun naman ang uso ngayon.

“So, ipakita naman natin kung ano ang kaya nating gawin, kumbaga. Kaya pa naman, e! So, medyo weird lang pag pinakinggan mo.

“Ang epekto, e, parang, ‘HA?!?!’ Pero kaya naman, kaya. At saka kanta lang yan. Kantahan lang yan, di ba?

“Naiiba lang ang beat, naiiba siguro ang lyrics sa ngayon, pero it’s still a song. And it’s still sing-able.”

Hirit ng concert director na si Calvin Neria, “Ang treatment ng P-pop, just to give you an idea… they will sing it in such a way na paano kung version ito ni Marco Sison, version ng Rey Valera?

“And then it will transition to the original version.”

REY VALERA ON MOIRA

Familiar sina Rey at Marco sa Gen-Z songs ng Pinoy singers. Sa bagong henerasyon ng mga Pilipinong mang-aawit, sinu-sino sa pananaw nila ang may staying power?

Natigilan si Rey bago sumagot, “Kailangang masuportahan ng songwriter, na consistent ang pagbibigay ng hit song.

“Kung makakakita sila ng ganung klaseng tao, masuwerte siya.”

Ibinigay ni Rey na halimbawa si Moira.

Moira dela Torre
Moira dela Torre

Photo/s: Chriselle Olaguera

“Nadale niya, alright! Nakuha niya yung style. May hitsura naman siya. Gumagawa siya ng kanta,” wika ni Rey.

“Nagbigay lang ako ng message na ano, konting tip para hindi pare-pareho yung anggulo ng kanta niya.

“Ang tip ko sa kanya sa isang video message, puwede niyang instead puro istorya ng buhay niya — you can get away with it once, twice. Pero yung pangatlo, baka maging redundant.

“Alam mo yung ibig sabihin, no? Kumbaga, gumagawa ka ng istorya, yun at yun din, mauuta rin yung nanonood o nagbabasa.

“Ngayon, ang ano ko… tip ko sa mga songwriter-to-be — makikinig kayo sa video ko, ha? — ay ilagay niyo ang sarili niyo sa kapwa niyo, put yourself in someone else’s shoes. O may tinatawag sa English na ‘empathy.’

“Ibig sabihin nun, ilagay mo ang sarili sa kapwa para hindi puro istorya mo ang lumabas sa gawa mo. Ibig sabihin, itong mama na nasa harap ko ngayon, iisip ko, ‘Anong problema niya? Anong nararamdaman niya ngayon? Ba’t kaya siya nag-iisa?’

“Inilalagay ko ang sarili ko sa kanya right now. Kaya kong gawin iun very, very easily. Kaya bihira ang nakakapagsinungaling sa akin, e. Alam ko kaagad ilagay ang sarili ko sa kanya, e. That way, alam ko na kaagad kung saang anggulo siya nanggagaling.

“Songwriter ako, e. I do that for a living. Ibig sabihin, hindi ko man istorya yung sinusulat ko, istorya niya yung ginagawa ko, bakit ko ginagawa yun?

“Dahil wala nang pakialam yung mga tao kung ano yung istorya ng buhay ko at lovelife ko, e. Ano’ng pakialam nyo dun? Wala.

“Mas may pakialam siya kung maririnig niya yung, ‘Ito iyung kantang ako, ah?!’ Natutuwa. ‘Ako ito, ah?! This song is talking about me. It’s not talking about him. This song is about me!’

“Ngayon, kapag kinuha na niya yung kanta na yun, meron na siyang sariling buhay. Doon na siya nag-i-stay sa tao na yun. Gagawa’t gagawa siya ng paraan para mabuhay siya.

“That’s what I’m talking about na meron siyang sariling buhay. Di ba, Marco Sison?”

Tumango si Marco, “Oo. Ang ibig mong sabihin, si Moira ang isa sa mga magtatagal? Ganun?”

Paglilinaw ni Rey, “Longevity ba ang sinasabi mo? Kung ma-implement niya yung sinasabi kong sikreto ngayon, ibinibigay ko na yung secret, e.

“Eto iyong sikreto. Gamitin ninyo ang secret na ito para tumagal kayo sa negosyong iyan. Dahil kung buhay niyo lang ang gagawin sa sarili nyio, hindi kayo tatagal. You just sing the same old song.

“Pero kung gagamitin niyo yung buhay nung ibang tao, nagkalat ang istorya! Isipin mo lang, ‘Ano ang ginagawa ng magsyotang yung doon? Magsyota ba sila? Mag-girlfriend ba? Nagliligawan lang ba? Nag-sex na ba sila? Hindi?’

“Lahat iyan, iniisip mo. Gagawa ka ng istorya, e. Ano namin iyan, ibinibigay ko sa inyo ang istorya na sikreto para sa ganoon, tumagal kayo bilang songwriters, iyan.”

REY AND MARCO ON BEN & BEN

Ang Ben & Ben ay sumusulat ng mga kanta nila. Na-feature ang songs nila sa hit na One More Chance The Musical. Magaling silang magsulat.

Pag-ayon ni Rey, “Yes! Ang hindi ko lang matantiya sa Ben & Ben, hindi ko alam kung dito sila sa Manila naka-base.”

Sambot ni Marco, “Hindi, taga-Calamba sila.”

“Hindi nga?”

“Oo, taga-Calamba.”

Asia Artist Awards 2023, AAA red carpet arrivals, Korean celebrities: Ben & Ben
Ben & Ben

Photo/s: Screengrab from Instagram | @livesmart

Pagmumuwestra ni Rey, “Ngayon, may… may… may hindi ako maintindihan kung bakit mayroong parang… hindi ko alam kung low profile ba sila or what.

“Parang hindi pa sila… hindi pa nila pinu-fully embraced yung papel nila. May something, mayroong pumipigil sa kanila.

“Hindi ko alam kung pamilya o ayaw nilang magkahiwalay. Something is holding them back, yun lang.”

Naniniwala sina Rey at Marco na mahusay mag-perform at mag-compose ang Ben & Ben.

Pakiwari ni Marco, “Kandidato para maging classic yung mga kanta nila.”

CHRISTIAN BAUTISTA, THE JUANS

Hangang-hanga rin si Marco kay Christian Bautista.

Christian Bautista
Christian Bautista

Photo/s: Nikko Tuazon

Banayad na lahad ni Marco, “Pag tinatanong ako lagi, naiisip ko si Christian Bautista. Kasi alam mo, ang Pilipino, kahit anong form ng kanta iyan, sentimental yan, e. Laging emotion.

“You can’t go wrong with love songs. So whatever it is, mabilis, mabagal, yung ganun ba.

“Modern, yun bang mas upbeat or mas straightforward tulad nung isang kantang nakaka… ano yun? Nakaka… hmmn…

“Ibang klaseng kanta yun. Yung mga ganun, kasi… tingnan natin, di ba? Kasi yun, kaya siya nangingibabaw, dahil kakaiba. Yun ang uniqueness.

“Kaya nga itong business na ito, itong industriya na ito, ay nagdedepende sa iyong product, kung gaano siya ka-unique. So, maggo-grow siya into something else.”

Singit ni Rey, “Iyong The Juans, di ba, magaling iyon? The Juans, pero merong parang pumipigil. Hindi ko rin alam.”

the juans
The Juans

Photo/s: The Juans

ON IMPORTANCE OF BRANDING

Naniniwala rin si Marco na ang branding ay gabay lamang sa career path ng isang mang-aawit.

Katuwiran ni Marco, “Siyempre, it’s up to the audience pa rin, to the buying market, to the fans, di ba, to support it.

“Meron nga talagang ano, e, meron talagang walang kakuwenta-kuwentang kanta pero nagugustuhan. Nakakatawa, nakaka-offend, di ba?”

Keri ba nilang kumanta na merong kasamang pagmumura? Halimbawa’y iyong “nakakap*t*ng ina”?

Malumanay na pag-amin ni Marco, “Ako, personally, ayoko ng ganoong kanta. Yung may offensive na ano… medyo offensive… Personally, ha?

“I am not against any artist who records that kind of song. I just don’t like that kind of song. Yun lang naman ang sa akin.

“I think yun ang branding ko, di ba? Ang branding ko is all about love songs, relationships.You being able to relate to your audience about your story, about your love story.

“Yon, about life, about your future, about your dreams, di ba? Yun yung parang… yung gusto kong branding ko na OK, I’m here to sing to you and it’s up to you to fall in love.

“It’s up to you to feel good. It’s up to you to go home and feel good about what you just saw, yung concert ko. Yun ang gusto kong brand.

“Yun ang gusto kong brand na OK, pampatulog siya. Why? Kasi nakakakalma siya, di ba? It’s a different kind of feeling na nakaka-high pero nakakakalma at the same time.

“And it makes you sleep. Totoo yun, nakakatulog, nakakaantok. Kasi nga nakakalma ka.

“So, para sa akin, hindi ako nao-offend sa ganun, ‘Lagi kong pinapatugtog yung kanta mo lalo na pag gusto ko nang matulog.’ Totoo, di ba? Totoo yun.

“Lagi kong nae-encounter yon. ‘Papa-picture po ako sa inyo kasi idol kayo ng nanay ko, ng lola ko.’ Totoo yun, di ba? Totoo. Kasi, yun na yun, e. Yun na yun ngayon.

“Pero kilala ka nung bata. Kasi nga, na-transfer na yung ayan, yung music namin noong araw.”

Natatawang sundot ni Rey, “Meron talagang mga buwiset! Merong mga senior citizen nga diyan, e, paglapit sa iyo, ‘Alam mo, yung kanta mo, kinakanta ko elementary pa lang ako!’

“Senior citizen yun, ha?! Sarap batukan. Gusto kong maging bayolente. Elementary daw siya.”

Siyanga pala, special guests ang baguhang singers na sina Andrea Gutierrez at Elisha sa Ang Guwapo at ang Masuwerte concert. Ang producer ay ang Echo Jham Entertainment Production.

Available ang tickets online sa Ticketworld.

ang guwapo at ang masuwerte poster