BONG GO, TODO TANGGI SA PARATANG SA EXTRA JUDICIAL KILLINGS “Bilang Special Ass

BONG GO, TODO TANGGI SA PARATANG SA EXTRA JUDICIAL KILLINGS

“Bilang Special Assistant of the President noon, I have no participation whatsoever, directly or indirectly, in the operational requirements of the war on drugs. As stated in the Executive Order creating my position, my functions are limited to scheduling, appointments, and presidential engagements,” ayon kay Sen. Christopher ‘Bong’ Go.

Mariing pinabulaanan ni Senator Christopher ‘Bong’ Go ang akusasyon ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager retired Police Col. Royina Garma na sangkot siya sa extra judicial killings na ipinatupad sa kasagsagan sa “war on drugs” ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang statement na inilabas ngayong Sabado, Oktubre 12, sinabi ni Go na walang kinalaman ang trabaho niya bilang special assistant kay Duterte sa mga police operation laban sa mga pinaghihinalaang drug personalities noong nakaraang administrasyon.

“I have no participation whatsoever, directly or indirectly, in the operational requirements of the war on drugs,” giit ng senador.

Ito ay bilang reaksiyon sa binitawan ni Garma na lahat ng operasyon ng special task force na itinatag diumano ni Duterte at pinangungunahan ni Lt. Col. Edilberto Leonardo para likidahin ang mga target drug personalities ay inire-report kay Go at sa dating Pangulo.

Bukod dito, idinawit din ni Garma si Go at Duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng kanilang selda sa Davao Prison and Penal Farm noong Agosto 2016.

Maliban kay Garma, itinuro rin ni Roland ‘Kerwin’ Espinosa sina Duterte at Go na nasa likod ng pagpatay sa kanyang ama na si dating Albuera, Leyte mayor Roland Espinosa Sr. habang nasa loob din ito ng Baybay Municipal Jail noong Nobyembre 2016 matapos itong isama ng dating Pangulo sa tinaguriang ‘narco list.’