
Lakambini film finally set for release after decade-long delay
A decade in the making ang Lakambini Gregoria de Jesus, isang historical romantic film na tungkol sa buhay ng itinuturing na Ina ng Katipunan.
Kaya nag-uumapaw ang pasasalamat ng film producer na si Ellen Ongkeko-Marfil dahil tuluy-tuloy ang suporta ng mga bidang sina Lovi Poe, na gumanap bilang Ka Oryang, at Rocco Nacino, na gumanap bilang Andres Bonifacio.
Mapapanood sa Lakambini ang love story nina Ka Oryang at Andres—mula sa una nilang pagkikita hanggang sa pakikipaglaban nila sa mga Kastila, pati na rin ang malungkot na pagwawakas ng kanilang pag-iibigan.

Photo/s: courtesy of Pelikulove
May special participation sa pelikula sina Paulo Avelino, Gina Pareño, Elora Espino, at Spanky Manikan, na pumanaw noong January 14, 2018.
Nagkaroon ng advanced screening ang Lakambini sa University of the Philippines – Manila noong Biyernes, May 30, 2025.
Hindi man nakadalo sina Lovi at Rocco sa screening event ay na-appreciate ni Direk Ellen na nagpadala ang mga ito ng video messages para batiin ang audience.

Photo/s: courtesy of Pelikulove
LAKAMBINI PRODUCER ON PRODUCTION DELAY
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ellen Ongkeko-Marfil, na siya ring founder ng Pelikulove, ang film company sa likod ng Lakambini.

Photo/s: courtesy of Pelikulove
Bakit nga ba umabot ng higit isang dekada ang paggawa ng pelikula?
Ayon kay Direk Ellen, taong 2013 pa raw niya sinimulan ang pagri-research sa buhay ni Ka Oryang.
Taong 2015, ipinasa niya ang script nito sa Metro Manila Film Festival (MMFF), pero hindi ito nakasama sa listahan ng walong pelikula na napili.
“Hindi siya pumasa sa MMFF, parang hinahanapan ng combat scenes. Hindi iniisip na commercial siya. I think that’s because they didn’t know her.”
Matatandaang naibalita noon sa ilang pahayagan ang pagkaka-reject sa Lakambini.
At that time, marami nang na-shoot na malalaking eksena, na pinagtulungan ng scriptwriter na si Rody Vera at direktor na si Jeffrey Jeturian.

Photo/s: courtesy of Pelikulove
Kaya hindi inasahan ng mga film enthusiasts ang MMFF rejection, na naging dahilan para mag-pull out ang mga nagpopondo sa pelikula.
“So, nawalan kami ng pera,” ang sabi ni Direk Ellen.
“Kami lang ni Jeffrey Jeturian ang naglagay ng pera kasi siguradong-sigurado kami na makakapasok kami. We didn’t. So I stopped first.
“We looked for more funds, it’s not that easy, kasi malaki ang hinahanap namin.”
Kahit nawalan ng funding ay hindi niya inabandona ang project. Sa halip, itinabi muna niya ang mga na-shoot ng eksena.
“Ang ganda-ganda ng [footage], hindi puwedeng hindi gawin. Napaka-importante ng buhay niya,” saad niya.
Fast forward to 2024, nakahanap siya ng mga senyales na puwede nang ituloy ang proyekto.
Una, ang 2025 kasi ang 150thi birthday ni Ka Oryang.
Pangalawa, nakilala niya ang up-and-coming direktor na si Arjanmar Rebeta.

Photo/s: courtesy of Pelikulove
Nagustuhan ni Direk Ellen ang short film ni Direk Arjan na Libro for Ransom, na tungkol sa isang libro ni Jose Rizal na ninakaw noong 1961.
“Yung ginawa niya, natuwa ako kasi may entertainment value. So, sabi ko, this must be the guy.”
Tinanong niya si Direk Arjan kung kaya nitong gamitin ang mga tinagong eksena ng Lakambini para gumawa ng feature-length film.
“And then he got it, he got it. Yun na. Pero niligawan ko iyan nang husto,” sabi pa ni Direk Ellen.
LAKAMBINI 2025
Sa huli, ang natapos na pelikula ay may makabagong istilo, kung saan pinaghalo ang mga cinematic scenes na pang-drama at ang dokumentaryo, para ikuwento ang kabuuan ng buhay ni Ka Oryang at ang kontribusyon niya sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa maikling speech ni Direk Arjan during the advanced screening, perfect timing daw ang pagpapalabas sa pelikula this 2025.
Aniya, “Sinadya siguro talaga ni Ka Oryang, o Lakambini, na hindi matapos ang kuwento—para hindi lang siya ang magkuwento, kundi kasama ang boses ng mga historyador, mga kaanak, at mga artistang gumawa ng mga obra tungkol kay Oryang, pati ang mga makabayang Pilipino na patuloy ang alab ng pagmamahal sa bayan. This is the perfect time.”
May mga kamag-anak si Ka Oryang na naitampok sa pelikula, at ilan sa kanila ay dumalo sa advanced screening.

Photo/s: courtesy of Pelikulove
Happy si Direk Ellen dahil nagustuhan ng descendants ni Ka Oryang ang Lakambini.
Aniya, “Ang galing-galing raw. I think na-appreciate nila kasi we researched them, they didn’t also know. They only knew her as their lola.
“Kaya di nila inaalam kasi it’s a painful chapter of their past. Kasi they lost. Let’s face it, they lost.”
Nais ng director-producer na mapanood pa ng marami ang Lakambini dahil deserve daw ni Ka Oryang na mas makilala pa siya ng maraming Pilipino.
Ang mga local historical movies kasi ay kadalasang tungkol sa mga bayaning lalaki.
“Why don’t we look at the birthing of the nation from the point of view of a woman? Hindi ko sinasabing dapat angat ang babae, but we need both perspectives to solve our problems.
“This is also for women’s leadership. To support and acknowledge a woman leader of the past, to empower the women of tomorrow,” paliwanag ni direk Ellen.
Sa November pa naka-schedule ang release ng Lakambini sa mga sinehan sa Pilipinas.
Gayunpaman, ngayon pa lang ay naghahanap na siya ng paraan para mapalawig ang kaalaman ng madla kay Ka Oryang.
Una, nakikipag-coordinate na siya sa ilang female political leaders para tuluyang ma-recognize ang kahalagahan ng babaeng bayani.
Pangalawa, nag-iikot sila sa mga unibersidad sa buong bansa para i-promote ang buhay at kabayanihan ni Ka Oryang.
Pangatlo, isana-submit na nila ang pelikula sa iba’t-ibang mga film festivals dito sa Pilipinas at sa labas ng bansa.
Sa huli, hiling ni direk Ellen na maraming ma-inspire sa kuwento ni Lakambini.
“Ang tapang na babae talaga, kaya sobrang fan ako niya. She was so ahead of her time,” pagtatapos niya.
Source: Lakambini film finally set for release after decade-long delay