
Francine Diaz on Seth Fedelin: “We’re best friends.”
Katotohanan ang pinanghahawakan ng magka-loveteam na sina Francine Diaz, 21, at Seth Fedelin, 22, o kilala sa uniname na FranSeth.
Hindi raw nila kailangang magpabuyo na pumasok sa relasyon para suportahan ng kanilang fans.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Francine at Seth sa presscon ng She Who Must Not Be Named, na ginanap sa Common Ground Coworking Space sa Rockwell sa Makati City, noong May 28, 2025.
Saad ni Seth: “Pinapakilala lang namin sa kanila kung ano kami tapos nakikita na nila. Mas nagiging panatag na sila kasi nakikita nila, ‘Ay, yan sila, e.’
“Kumbaga, kahit na ano ang ibato sa amin, sila na mismo, magugulat na lang kayo, ‘Ay, hayaan niyo ang dalawa, may sariling mundo yan.'”
Dugtong ni Francine: “Di namin kailangan na mag-lie sa kanila kasi yung relationship namin sa kanila, hindi naman na bago.
“Parang nagkakaintindihan na kami, sa totoo lang. Alam nila yung totoo.
“Kaya kung may gustong malaman yung totoong score sa aming dalawa, ang mas nakakaalam nun ay mga fans namin.”
THE REAL SCORE
Diretsahang tinanong sina Seth at Francine kung ano ba talaga ang tunay na estado ng kanilang relasyon.
Sagot ng Kapamilya actor: “Sinubok lang kami ng panahon. Sinubok lang kami ng maraming problema, hanggang ngayon.
“Gaya ng sinabi ko dati, nakikita ko at gusto kong makasama sa future ko si Francine.”
Dagdag ni Seth: “Siguro naman napatunayan ko na ngayon. Saka mas matured na, alam mong di na 16, 17.
“Nandito na kami sa punto ng buhay namin na nandun na kami sa real phase ng buhay namin. Kumbaga, unang hakbang sa gusto naming puntahan.”
Ipinaliwanag naman ni Francine na ang tanging masisiguro niya ay mabuting magkaibigan sila ni Seth.
Aniya: “Para sa akin, when he say na nakikita niya ako sa future, di naman ibig sabihin nun laging may kaakibat na romance.
“Sa ngayon, we’re best friends. Ayoko kasi naming madaliin kung anumang sagot ang gustong makuha niyo or yung relationship status na gustong marinig ng mga manonood.
“It’s more of sobrang protective kami sa pagkakaibigan namin. Gaya ng lagi naming sinasabi, trabaho ang aming inaalagaan dito.
“At kung sakali man na mapunta tayo dun, ia-update namin kayo.”
Marami sa mga sikat na loveteam tulad ng KathNiel, JaDine, LizQuen ang nagsimula sa loveteam at nauwi sa totohanang relasyon. Pero sa huli ay nag-break din ang mga ito at at tuluyang nabuwag ang mga tambalan.
Iyon ba ang isang kunsiderasyon nila kung bakit ayaw muna nilang i-level up ang kanilang samahan?
Saad ni Seth: “Hindi natin masasabi ang bukas kung anong problema ang darating.
“Hindi man bago ang sagot namin sa inyong mga tenga, pero yun at yun pa rin ang isasagot namin—na hindi dahil lang ganyan o ganito.”
Lahad pa ng binata: “Lagi naming sinasabi na ang sikreto ng FranSeth ay totoo kami sa isa’t isa. Magkaibigan kami, magkasangga, at magkakampi.
“Nandito kami sa phase ng buhay namin na kalmado kami, nakapokus kami sa mga dreams namin.
“Bandang huli naman, mag-e-enjoy kami. Nae-excite din kami sa pupuntahan namin.
“Wala namang masama pagdating ng araw, di ba? Deserve na ipagsigawan kung ganun ang mangyayari sa future.”
Naniniwala naman si Francine na hindi dapat madaliin ang pag-ibig.
Pahayag niya: “We have our own fears naman kung bakit ayaw pa naming i-take sa another level muna. Maybe that’s one of the reasons.
“Pero gaya ng sinasabi niya lagi, yung parents namin lagi kaming pinapayuhan na trabaho muna.
“Kung makakapaghintay naman, yung gusto naming puntahan, or the feelings is mutual, we’ll get there.”
FRANSETH SECOND MOVIE TOGETHER
Sa kabilang banda, masaya sina Francine at Seth na matapos ang Metro Manila Film Festival 2024 entry na My Future You ay may pelikula ulit sila ni Seth.
Ang She Who Must Be Named ay iprinodyus ng Ohh Aye Productions Inc., sa ilalim ng direksiyon ni Direk Christopher Novabos.
Aminado ang young loveteam na malaking hamon ngayon ang magpapunta ng mga manonood sa sinehan.
Ayon kay Seth: “Sinasabi sa amin ng mga tech natin sa ABS-CBN na may bagong mundo ngayon, ang social media.
“May bagong universe na naki-create ang media, which is alam na natin yun na sa cellphone na ang lahat, lahat sobrang dali.
“Yun ang challenge namin.
“At kung saan aabot ang pelikula namin, kung ano ang success namin, gagawin namin ng 100 percent. Kung ano ang mangyari, ganun talaga.”
Pagsang-ayon ni Francine: “Totoo naman yun kasi kahit saan tayo magpunta, ang daming apps, ang daming platforms, at yung iba tamad na ring bumiyahe, mahal pa ang tickets.
“Alam naman namin ang reality. Pero ang promise namin, sa lahat ng binibigay sa amin, 100 percent.
“Hindi puwede na, ‘Kaunti lang naman ang manonood nito, kaunti lang din ang ibibigay namin.’ Pagtatrabahuan namin ang lahat, lalo na ito.”
MY FUTURE YOU ON NETFLIX
Nag-No. 1 sa Netflix ang My Future You noong Mayo, at marami ang nagandahan sa pelikula.
Sabi ni Francine, “Sabi lang namin, ‘Kahit mapasama sa Top 10. Pero nung araw mismo ng release niya nag-No. 1.”
Natutuwang reaksiyon din ni Seth: “Trending din siya sa buong category sa Netflix.
“Nag-uusap kami, sobrang nakaka-overwhelm yung mga comments na nababasa namin.
“Pero yun nga, mas nagiging excited kami na ipakita kasi may ipapakita at ipapakita pa.”
May mga nanghinayang na hindi nakasama sa Top 4 top-grossing films ng MMFF 2024 ang My Future You.
Sabi pa ng iba, kung na-push lang ito nang husto ay may pag-asa itong umangat noon.
Komento ni Seth: “Naniniwala kami na kung ano ang kinahinatnan ng pelikula at lahat ng ginagawa namin, yun talaga.
“Kung hanggang dun, hanggang dun. Kung hanggang dito, hanggang dito lang talaga.”
Basta mahalaga ay ibinigay raw nila ang best nila.
“Yun ang motto ko sa buhay, motto namin sa buhay—kahit na ano ang mangyari, naniniwala kami sa right timing.
“Kung para sa atin, para sa atin. Kung hindi, hindi. Kung para sa iba, maging masaya tayo.”
Source: Francine Diaz on Seth Fedelin: “We’re best friends.”