Cherry Pie Picache open to finding love again

Hindi na inihayag pa nina Cherry Pie Picache at Edu Manzano ang dahilan ng pagtatapos ng kanilang relasyon, at nagpatuloy na lang sila sa kani-kanilang buhay at career.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), tinanong si Cherry Pie kung ano ang lagay ng kanyang puso ngayon at kung bukas siya sa bagong relasyon.

“Ako po ay 55 ngayon, marunong magluto, marunong maglaba. Napakagaling ko po mag-alaga ng puso,” nakangiting sabi ni Cherry Pie.

Samakatuwid, hindi niya isinasara ang kanyang puso para sa bagong pag-ibig.

Sabi pa niya: “I can say I am blessed. It can be happier to have someone who can take care of your heart and someone to take care of.”

Huling bahagi ng 2023 nang mapabalitang nagpasyang maghiwalay sina Edu at Cherry Pie, na naging magkasintahan nang magkatambal sila sa Kapamilya primetime series na Marry Me, Marry You (September 2021-January 2022).

Pero nanatili raw silang magkaibigan kahit nag-break sila.

CHERRY PIE PICHACHE ON FPJ’S BATANG QUIAPO

Dumating man o hindi si Mr. Right, optimistic si Cherry Pie lalo pa’t mainit pa rin ang pagtanggap sa FPJ’s Batang Quiapo.

Tatlong taon na siyang bahagi ng serye bilang si Marites.

“Dyusmio, kahit ako nagugulat. I came from taping yesterday, ang daming aabangan,” saad ni Cherry Pie.

“Siguro naman nakikita niyo sa social media, unti-unti may mga previews kung ano ang aabangan. Nagpapasalamat ako just to be part of it, sobrang exciting.

“Kahit na ako nga na part ng show, nalalaman ko ang ginagawa namin tapos pati mga mangyayari na mapapanood ng mga tao, kahit ako, ‘Talaga?’ Napapaganun ako. Ang daming pasabog.”

Ayon pa kay Cherry Pie, saksi siya sa pag-iisip ni Coco Martin kung paano pagagandahin ang kanilang serye.

“Wala namang trabahong madali. Ang sa akin, kaya yun ang nakukuha ng audience, ng tao, kasi pinagtratrabahuan, pinag-iisipan.

“Di puwede sa amin yung puwede na. At nakikita naman siguro sa produkto, sa resulta.

“Masarap kasi ang dami mo ring natutunan. Masarap kasi alam mo na if you work hard, may kapalit. The audience love it, number one siya.”

ON COCO MARTIN’S IMPROMPTU SCRIPT CHANGES

Sa credits ng serye, si Coco ay bida at creative director ng show.

Kilala si Coco na on-the-spot nagbibigay ng script, at hindi ito isyu para kay Cherry Pie.

“Lahat na-challenge kasi ang ibig sabihin, di ka puwedeng petiks-petiks lang. Di puwede na pupunta ka sa set, tapos aantok-antok ka, galing sa galaan.

“Dapat prepared ka pagka ginawa mo ang assignment mo.”

Dagdag ni Cherry Pie patungkol kay Coco, “Saka napakabait. Lagi akong naiiyak pag binibigyan niya ng pagkakataon ang mga tao.

“Di lang artista, ha? Kahit crew, kahit staff, yung walang trabaho, tapos ipapatawag niya.”

Source: Cherry Pie Picache open to finding love again