Lalaki nagbigti dahil sa away sa kinakasama

Dead on arrival ang isang 22 anyos na binata matapos na magpakamatay sa Brgy.Centro Sta.Ana, Cagayan.

Kinilala ni PMAJ Ranulfo Gabatin, chief of police ng PNP Sta.Ana ang biktima na si Alyas Jayson, 22 anyos, isang butcher at residente ng nasbaing barangay.

Lumalabas sa imbestigasyon na pasado alas nuebe ng gabi ng umuwi ang biktima sa kanilang inuupahang bahay at diretso itong natulog.

Alas tres ng madaling araw nang makarinig naman ang pinsan ng biktima ng isang alarm kung kaya’t agad niya itong hinanap.

Sa kanyang paghahanap ay dito na nakita ang kanyang pinsan na nakabitin gamit ang isang hose.

Agad nitong pinutol ang hose at nagtawag ng tulong upang dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doctor.

Napag alaman na bago ang nasabing insidente ay nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at kanyang live in partner na posibleng dinibdib ng biktima ang kanilang pag aaway dahilan upang kitilin nito ang kanyang buhay.

Nabatid rin na dati nang sinubukang magpakamatay ng biktima noong buwan ng abril ng kasalukuyang taon ngunit agad napigilan ng kanyang mga kasamahan.