Janno Gibbs recalls fond memories with late grandfather, father

Lolo ni Janno Gibbs si Gerardo de Leon (1913-1981), isa sa labing-isang National Artists for Film and Broadcast Arts. Ama ito ng kanyang ina na si Mary Fe “Baby” Ylagan-Gibbs.

“Ang inabutan ko na lang, nakasama ako sa shooting nung last na ginawa niya, yung Banaue,” pagsisiwalat ni Janno sa closing ceremony ng 4th Philippine Film Industry Month noong Setyembre 27, 2024, Biyernes, sa Seda Vertis North, Quezon City.

Ang pelikulang Banaue: Stairway to the Sky (1975) ay prinodyus at pinagbidahan ng National Artist na si Nora Aunor, with Gerardo de Leon as director.

Co-stars dito ni Nora sina Christopher de Leon, Johnny Delgado, Gloria Sevilla, at ang ama ni Janno na si Ronaldo Valdez.

banaue poster

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Pagpapatuloy ni Janno, “Iyon yung first time na nakasama ako sa shooting ni daddy… first experience ko. May picture ako nun, magkakasama kaming lahat sa Banaue.

“Anyway, lucky ako, kasi nung siguro mga 12 ako or 13, meron pang Film Center of the Philippines nun, may festival siya.

“So araw-araw, iba-ibang pelikula niya. Napanood ko halos lahat nung magaganda.”

JANNO ON GROWING UP WATCHING HIS GRANDFATHER’S FILMS

May balak na ba siyang mag-artista noon?

“Gusto ko na. Gusto ko na, medyo nag-i-start na ako. So, napanood ko yung Noli Me Tangere [1961], El Filibusterismo [1962],” pagbabalik-tanaw ni Janno.

“Medyo nasisira na. Ano nga, e, sa Film Center, biglang… nasunog yung film, ipinakita. Ahhh, ano ba ito, Lilet [1971], Banaue, The Moises Padilla Story [1961].

“Yung Lilet, ano pa, e… e, kasi, Film Center naman yon. Kahit underage ako… bold yun, e! Bold yun. Puwede sa Vivamax yun, e!” pagbibiro pa ni Janno.

Bida sa Lilet si Celia Rodriguez, na itinanghal na best actress sa 20th FAMAS Awards.

celia rodriguez lilet

Celia Rodriguez in Gerardo de Leon’s Lilet

Ayon sa Wikipedia, ang iba pang best actress nominees na kinabog noon ni Manay Celia ay sina Lolita Rodriguez (Stardoom), Rita Gomez (Pagdating sa Dulo), Amalia Fuentes (Divina Bastarda), Rosemarie Sonora (Cadena de Amor), Boots Anson-Roa (I Love You Mama, I Love You Papa), at Rizza (Nympha).

Sabi pa ni Janno, “May pumping yun, e. Nagulat ako. Bata ako, e. E may access ako, family, e…

“Noon pa lang, siyempre, mahilig din ako sa movies kahit bata ako. Ano siya, ahead of its time yung style niya.

“Importante sa kanya lagi, sinasabi sa akin, ikinukuwento ng mommy ko, ng lola ko… importante sa kanya [Gerry de Leon] yung framing. Parang modern na yung mga blocking niya.

“May extreme close up. Dati, hindi pa uso yun, e, yung talagang dikit na dikit talaga yung ano pag bumira yung aksyon na ganun. Tapos yung composition, lahat.

“Parang ang ano niya, e, kailangan bawat shot, parang painting. May dating na hindi lang basta-basta. Yun ang mga na-pick up ko sa kanya.”

GRANDSON OF NATIONAL ARTIST GERRY DE LEON

May pinagmanahan pala si Janno sa pagdidirek.

Nagdirek siya ng pelikulang Itutumba Ka Ng Tatay Ko, na pinagbidahan nila ni Xia Vigor, at nag-showing sa local cinemas noong Enero 24, 2024.

Natawa si Janno, “Nakaka-pressure nga nung nagdirek ako. ‘Naku, apo ni Gerry de Leon.’

“Pero as a lolo, matagal ko siyang naka-spend time. Although may sakit na siya nun — matagal nang sira yung boses niya.

“So ang boses niya, ‘Arrgghhhh agghhhh…’ Ganun. At saka hindi alam ng marami, alam ko ba, ginive up niya, surgeon siya.

“Certified surgeon siya. Nagtapos siya, and I think, nag-practice for a while pero ginive up niya yun for doing films. Passion niya.

“Pero if he wanted to, puwede siyang naging surgeon. Kaya siguro na-apply niya yon sa filmmaking niya, yung precision ng pag-oopera, parang ganun.”

Isa si Manong Gerry sa mga nakaimpluwensya kay Janno para mag-artista.

gerry de leon

National Artist Gerry de Leon

Sa side ng kanyang ina, maraming artista. Kabilang diyan sina Tito Arevalo, Robert Arevalo, Barbara Perez, Jay Ilagan, at iba pa.

“Yung lola ko is the pre-war Singing Sweetheart, si Fely Vallejo,” saad ni Janno.

“Tapos before her, Father of Zarzuela, Vallejo din. Pero ang interes ko in showbiz ay nanggaling sa daddy ko na.

“Kasi siyempre mas older na ako nun, 14, 15, 16, sinasabi ko lagi sa daddy ko, ‘Isama mo naman ako kahit extra lang.’

“Kinukulit ko siya, ‘Isama mo ako sa ano, extra lang.’ E, ayaw niya. Ayaw niya nung maging artista ako dahil sa kanya.

“E, gusto ko talaga. So, ang ginawa niya, dinala niya ako sa Regal, kay Mother [Lily Monteverde]. Tapos, hindi niya ako sinamahan.

“Hinatid lang niya ako. Ayaw niyang tutulungan niya ako. Kumbaga sa kanya, ‘Gumawa ka ng sarili mong diskarte.’

“Nakita ako ni Mother. Nung pumunta ako dun, parang ang nagmimiting — nasa likod lang ako, e — yung 14 Going Steady [1984].”

Ang pelikulang 14 Going Steady ay pinagbidahan nina Janice de Belen, Nadia Montenegro, at Gretchen Barretto, sa direksiyon ni Joey Gosiengfiao.

Kasama sa cast ng movie sina Mon Alvir, Emil Sandoval, Joe Vincent Aldeguer, Albert Anido, at Benedict Aquino.

14 going steady poster

“Parang meeting pa lang sila nun. Nasa likod lang ako. So, na-meet ko lang si Mother, wala pa namang nangyari,” pakli ni Janno.

“Tapos nag-guest kaming dalawa ng daddy ko sa morning show ni Kuya Germs. Kumanta kami.”

JANNO’S FIRST MOVIE

Ang unang pelikula ni Janno ay Kalabog en Bosyo Strike Again (1986) na pinagbidahan nina Dolphy at Panchito.

Co-stars doon sina Rolly Quizon, Joyce Ann Burton, Bong Dimayacyac, Zeny Zabala, Jaime Fabregas, at Chuchi.

kalabog en bosyo strike again poster

“Pangalawang Kalabog en Bosyo iyon. Introducing Janno Gibbs,” pagngiti ni Janno.

“Which is nakakatuwa, kasi ang daddy ko, ang first movie niya, Dolphy rin. Actually, yung Valdez — kasi Gibbs naman ang daddy ko talaga, e — yung Valdez, galing kay Dolphy.

“Kasi iba ang ginagamit ng daddy ko noon, Rado. Ronaldo Rado. E, kailangan nila ng partner for Susan Roces, ng RVQ [Productions, film company ni Dolphy].

“Kailangan nila, so pinakita ang daddy ko. E, hindi pa ayos ang daddy ko, medyo gusgusin. Ha! Ha! Ha! Ha!”

Ampogi ng daddy Ronaldo niya noong kabataan nito, ah?! Yummylicious!!!

young ronaldo valdez

Young Ronaldo Valdez

“Mestiso. Anak naman kasi ng Amerikano. Gibbs talaga. Pero hindi pa nakaayos,” salaysay ni Janno.

“Mahirap lang naman ang daddy ko, background nila. Tinanggihan ni Dolphy.

“So, ang ginawa ng manager, inayusan. Inayusan. Binalik! ‘O, ayan, OK to!’ sabi ni Dolphy. Ha! Ha! Ha! Ha!

“Hindi nakilala ni Dolphy. Hindi na naalala… So, pinalitan ni Dolphy ang screen name ni Daddy. ‘Pangit ang Rado. Valdez!’ Siya ang nagbinyag sa daddy ko.

“So, pareho kami ng daddy ko na first movie, with Dolphy.”

Nagkasama-sama sina Dolphy, Susan, at Ronaldo sa mga pelikulang Pepe en Pilar (1966), Buhay Artista (1967), Kaming Taga-ilog (1967), at Sitsiritsit Alibangbang (1967).

pepe en pilar poster