Kaladkaren announces new screen name

Balik-trabaho na ang TV and movie personality na si Kaladkaren matapos niyang makauwi sa Pilipinas buhat sa England, kung saan sila ikinasal ng longtime partner niyang si Luke Wrightson.

Ginanap ang kanilang pag-iisang dibdib sa ceremonial county na Scarborough, North Yorkshire, sa England, noong September 8, 2024.

Sa pagbabalik-trabaho ni Kaladkaren sa TV5 primetime newcast na Frontline Pilipinas, ginulat niya ang kanyang mga tagahanga nang magpakilala siya bilang “Jervi Wrightson.”

Nangyari ito sa extro spiel ni Kaladkaren sa Frontline Pilipinas nitong Lunes, September 30, 2024.

Aniya, “Ayan po ang latest sa showbiz updates at K-Alaman ngayong Lunes. I’m happy to be back, mga kapatid.

“Ako po si Jervi Wrightson.”

KALADKAREN NO MORE?

Matapos ang live telecast, ibinahagi ni Kaladkaren sa Instagram ang mga kuha niyang litrato sa kanyang pagbabalik sa Frontline Pilipinas.

Dito, proud na ipinakita ng newscaster ang bago niyang look at ang video clip ng kanyang naging extro spiel.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Ayon kay Kaladkaren, masayang-masaya siya sa kanyang pagbabalik dahil unti-unti na niyang ipinapakilala ang sarili gamit ang married name.

Mababasang caption ni Kaladkaren (published as is), “So happy I did the newscast today as Jervi Wrightson!!! [crying emojis] New name, new look! This is just the beginning!”

Sa comments sections ng kanyang post ay nagkomento naman ang asawa niyang si Luke.

Saad nito, “I need royalty from our surname. Proud of you, my beautiful wife!”

Kaladkaren debuts her married name on TV5's Frontline Pilipinas

Photo/s: @Kaladkaren on Instagram

Si Kaladkaren, o Jervi Li sa totoong buhay, ay nakilala bilang impersonator ng award-winning journalist na si Karen Davila.

Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang sinasabing detalye si Kaladkaren kung patuloy pa rin niyang gagamitin ang kanyang screen name o papalitan na niya ito sa totoo niyang pangalang Jervi.