Welder nagnakaw ng construction materials gamit ang ninakaw nitong tricycle ng katrabaho

CAUAYAN CITY – Mahaharap sa kasong carnapping ang isang welder matapos na gamitin sa pagnanakaw ng construction materials mula sa ginagawang daan ang ninakaw din nitong tricycle sa Solano, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Novalyn Aggasid ang information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office sinabi niya na iuulat sana sa himpilan ng Solano Police Station ng biktima na si Jojo Taberna na residente ng Solano, Nueva Vizcaya ang pagkawala ng kaniyang motorsiklo na iniwan niyang nakaparada sa kanilang compound.

Habang papasok sa himpilan ay napansin niya ang isang trycycle at nang lapitan ay nakumpirma niya na ito nga ang nawawala niyang tricycle.

Dito ay natuklasan ng biktima na mismong kasamahan pala niya sa trabaho ang tumangay sa kaniyang tricycle ng walang paalam.

Batay sa pulisya naaresto nila ang suspek na si Florante Makunat isang welder dahil sa pagnanakaw ng bakal kaya agad itong dinala sa himpilan ng Pulisya kasama ang tricycle na pinagsakyan nito ng ninakaw na bakal.

Dahil naman sa awa ng biktima ay nagpasya itong hindi na magsampa ng kaso laban kay Makunat.