Quad Comm, posibleng kausapin ang Chinese spy na nakakulong sa Thailand

Posibleng pumunta ng Thailand ang House Quad Committee members upang kausapin ang nagpakilalang Chinese spy na si She Zhijang.

Ayon kay Quad Comm lead Chair Robert Ace Barbers, hindi nila isinasantabi na pumunta sa Thailand para mabusisi kung ang kaniyang impormasyon na espiya rin si Alice Guo ay totoo o hindi.

Giit niya, na kailangan ng mas malalimang imbestigasyon sa naturang isyu lalo na mula sa mga ahensya ng pamahalaan na mas nakakaalam ukol sa usapin.

Gayunman, aminado si Barbers na posibleng hindi rin sila pagbigyan ng Thai authorities na harapin si She dahil may ginagawa rin silang sariling imbestigasyon

Ngunit, maaari naman na ang ating Philippine National Police, Department of Justice o kaya opisyal ng embahada ang makipag usap sa kanilang counterparts.

Matatandaan na sa nakaraang pagdinig ng quad comm, ipinalabas ang dokumentaryo ng Al Jazeera kung saan ipinakita ang ilang dossier ng mga state security agent.

Isa rito si Guo Hua Ping na ang larawan ay may pagkakahawig kay Alice Guo.