OPM folk singer Coritha dies

Pumanaw na ang dating folk-song singer na si Coritha o Maria del Perpetua Socorro Arenas.

Pumanaw siya ng 7:50 P.M. nitong Biyernes, September 27, 2024, ayon mismo sa partner ng singer na si Chito Santos.

Si Coritha ay nakilala noong dekada 70 at 80.

Ilan sa mga pinasikat niyang kanta ay “Oras Na,” “Sierra Madre,” at “Lolo Jose.”

Bago pumanaw, nakaratay na si Coritha matapos ma-stroke noong February 2024.

Paralisado at hindi nakapagsasalita ang dating singer.

Taong 2018, natupok ng apoy ang bahay ni Coritha sa Quezon City.

Nakaranas siya ng depresyon.

Kinupkop siya ng kanyang partner na si Chito, na nakatira sa Tagaytay City.

“Ilang araw naming binabantayan hanggang sa humina na siya nang humina. Ayoko namang magtagal pa dahil nga lalo lang siyang nahihirapan,” lahad ni Chito sa interview ni Julius Babao nitong Biyernes ng gabi.

Ayon naman sa kapatid ni Chito na si Dra. Digna Santos, ipapa-cremate agad ang mga labi ni Coritha.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Nagpaplano rin silang magsagawa ng isang araw na public viewing sa Tagaytay sa susunod na weeked.

Coritha
(Clockwise) Coritha suffered a stroke in February 2024; she faced significant hardship when her home was destroyed in a fire in 2018; Coritha during her prime years.

Photo/s: Screengrabbed from Julius Babao on YouTube

Nito lamang July 2024, nag-viral ang kalagayan ni Coritha sa social media.

Agad namang nagdaos ng fundraising show ang ilang OPM singers para maabutan ng tulong pinansiyal ang OPM singer.

CORITHA OPM FOLK SINGER who suffered stroke

Sa pagpanaw ni Coritha, may ilang paglilinaw na ipinost sa social media ukol sa kanyang edad.

Post ng entertainment reporter na si Mell Navarro, si Coritha ay 73 anyos batay sa kanyang medical records at ayon mismo sa caregiver ng namayapang singer.

Isinilang daw si Coritha noong June 27, 1951, taliwas sa datos online na isinilang siya noong 1956.

Si Coritha ay siya ring nag-compose ng kanyang mga sumikat na kanta.

Ang komposisyon niyang “Lolo Jose” ay naging entry noon sa Metro Pop Songwriting Contest.

Noong 1982, nagwagi si Coritha ng dalawang Cecil awards para sa Best Folk-Pop Song at Best Folk-Pop Vocal Performance.