Tootsie Guevarra on dealing with DOMs, indecent proposals

Ibinunyag ni Tootsie Guevarra, 44, ang dahilan kung bakit iniwan niya ang kanyang showbiz career sa Pilipinas at hinanap ang kapalaran sa Amerika.

Si Tootsie ay nakilalang singer noong late ‘90s hanggang early 2000s at nagpasikat sa mga kantang “Pasulyap-Sulyap,” “Kaba,” “Mahal Ka Sa Akin,” at marami pang iba.

Aminado si Tootsie na hindi siya galing sa mayamang pamilya, pero ipinagmamalaking nakapagtapos sa St. Paul University at maagang naging breadwinner.

Nagawa ni Tootsie na makilala bilang OPM singer, pero naging lapitin daw siya ng DOMs (dirty old men) at indecent proposals.

Sa murang edad, hindi raw siya nahihiyang maging vocal—isang ugaling noon ay tinataasan ng kilay.

Inamin ito ni Tootsie sa interview sa kanya ni Paco Arespacochaga sa YouTube noong September 13, 2024.

Ang dalawang singers ay pareho na ngayong nakabase sa U.S.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

EASY TARGET

Naging easy target daw si Tootsie ng mga tuksong ito sa pag-aakalang kakagat siya dahil isa siyang breadwinner.

Sabi ni Tootsie kay Paco, “You and I know [in the] entertainment industry, there’s always gonna be a lot of temptations, indecent proposals… hindi mo maiaalis yan.

“And I had to make a tough decision if I would go to that lane or stick to my lane with knowing the consequences of my decision.”

Sinegundahan ito ni Paco na sinabing lantaran ang indecent proposals noon sa mga singer tulad ni Tootsie.

Dagdag ng former band drummer, napakabata noon ni Tootsie at ang mga nagbibigay ng indecent proposals ay DOMs na nasa edad 50s, married, at may adult kids.

Ibinabahay raw ang mga kakagat na babae na gagawing “side chicks, bibigyan ng condo, ng SUV…”

Isa nga raw sa mga naging lapitin ng DOMs ay si Tootsie.

Pag-amin ni Tootsie, “So I felt like they saw me as a target. They saw me as an opportunity, thinking, ‘O, eto si Tootsie, she’s gonna say yes.’”

Pero desidido raw si Tootsie na hindi siya pumatol.

“Alongside of that, I felt like I didn’t fit in and I felt like I was being pressured to fit in,” pag-amin ni Tootsie.

Tootsie Guevarra singing
Tootsie Guevarra says she never turned her back on being a singer despite leaving her career in the Philippines two decades ago.

Photo/s: Tootsie Guevarra via Facebook

TOOTSIE’S ENCOUNTER WITH TWO TOP EXECUTIVES

Ibinahagi rin ng singer ang karanasan niya sa dalawang top executives na tinangka siyang ibahay.

Nang makatanggap ng indecent proposal sa unang top executive, tinanong ni Tootsie ang executive kung pakakasalan siya nito.

“Ang ano ko, ‘Papakasalan mo ba ako?’ Tinanong ko siya. Ang sagot niya, tumawa,” sabi ng singer.

“Ang sagot sa akin, ‘I don’t effing understand you. No one says no to me!’ Ang sabi.”

Patuloy ni Tootsie sa kuwento, “’Pangalawa, bibigyan kita ng bahay sa Forbes Park, ayaw mo. So, baka gusto mo downtown, doon sa Manila Bay, sa Makati. Ayaw mo din. E, anong gusto mo, yung bahay mo sa Cainta?’”

Sagot daw ni Tootsie, “’Bakit papakasalan mo ba ako? Hihiwalayan mo ba ang asawa mo, at kailangan kasama ang pamilya ko?’”

Tanging tawa raw ang sagot ng top executive.

Mas malala raw ang karanasan niya sa pangalawang executive.

Sabi ni Tootsie, “May isa pa, ‘Hubarin mo nga ang damit mo… gusto ko makita kung gaano kalaki ang suso mo.’ Ganon talaga.”

Sinabi raw iyon kay Tootsie habang katabi ang kanyang ina.

Nag-isip daw ng isasagot si Tootsie. Wala raw siyang balak sundin ang utos na maghubad. Malalagay naman daw siya sa alanganin kung sasampalin niya ang executive.

Hinimas daw ni Tootsie ang braso ng executive at saka siya kumandong.

Sabi raw ni Tootsie rito, “Kung alam ko lang na papahubarin mo ako sana nag-shave ako. Saka nandiyan ang nanay ko, dapat sinabi mo.”

Sundot ni Paco, sinakyan na lamang ni Tootsie ang ginawa ng executive.

Ipinagpatuloy ni Tootsie ang sumunod na nangyari.

“I already knew nagalit siya sa akin. Minura ako.”

Paliwanag ng singer, “Ang dating sa akin, in their eyes, the powerful people, I’m a diva.

“Dahil hindi ako nagpapasundo every Thursday. Nagbibigay ng cash, ibinabalik ko.

“So, ang dating sa kanila, e, ingrata ako or whatever. But I know in my heart it’s not that.”

Ang bottomline, ayaw raw ni Tootsie ang may kahati sa relasyon at maging “one of the many” ng DOMs na ito.

DECISION TO LEAVE SHOWBIZ

Nang lisanin ni Tootsie ang Pilipinas at nagtungo sa U.S. para sa panibagong buhay, hindi raw niya tinalikuran ang pagiging singer.

“I just told myself I’m gonna put a pause because I don’t agree with the environment. I’m gonna reinvent and create my life as Emma,” pagtukoy niya sa tunay na pangalan.

“Kasi itinanim ko sa utak ko, first, if a lot of dirty old men, for lack of a better word, old men, are going after me, that means may hitsura ako.

“Alam ko hindi naman ako pangit. Hindi ako mestiza tulad ng ibinabahay nila and that’s not the life that I want.

“Ang itinanim ko sa utak ko, nagkandahirap ako makapagtapos ng pag-aaral, hindi naman ako pangit…

“I came from a good family. Kapos man sa pera, but that’s not the life I want.”

Nagtrabaho muna si Tootsie bilang real-estate agent sa U.S.

Kalaunan ay pinasok ang healthcare industry at ngayon ay isa na siyang hospital executive sa California.

Sa kabila nito, patuloy pa rin sa pagpe-perform si Tootsie sa mga show sa Filipino community roon.