Rufa Mae Quinto receives PHP1M cash from Willie Revillame
One million pesos ang halagang ibinigay ni Willie Revillame kay Rufa Mae Quinto bilang tulong sa kinahaharap na kaso ng comedienne.
Kaya ganun na lamang ang pasasalamat ni Rufa Mae kay Willie dahil sa pagpapasaya at pagtulong nito sa kanya.
Sa Instagram nitong Lunes, January 13, 2025, ibinahagi ni Rufa Mae ang mga litrato nila ni Willie na kuha nang bumisita ang comedienne sa Wil To Win sa TV5.
Kalakip ng nasabing post ang kuwelang caption ni Rufa Mae (published as is), “Thanks for making me happy Willie And for the Help Help Hooray.
“Thanks to myself for visiting Wil to Win.”
RUFA MAE reveals reason why she visited WILLIE
Bukod sa post ni Rufa Mae sa Instagram, kinatuwaan din ng netizens ang pagdalaw niya sa Wil To Win studio kunsaan siya ininterbyu siya ni Willie.
“Magandang-magandang hapon po. Welcome to me, yes,” kuwelang pagbati ni Rufa Mae.
Kasunod nito ang pagbabahagi ni Rufa Mae kung bakit siya dumalaw sa programa ni Willie.
Ayon sa aktres, tinulungan siya ni Willie, sa pamamagitan ng pagbibigay ng malaking halaga, matapos magpiyansa ng higit isang milyong piso dahil sa kinahaharap na kaso.
Mensahe ni Rufa Mae, “Maraming salamat for giving me help, help, hooray!
“Hindi lang po kayo ang tinulungan niya, kund pati ako.
“Kaya nagha-hi, hello ako para sabihin sa kanya [Willie] na maraming salamat.”
Malaking bagay raw para kay Rufa Mae ang pagpayag ng korte na siya ay makapagpiyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.
Aniya, “Siyempre [nagpapasalamat ako] sa Diyos, nagdasal po ako. Sa NBI [National Bureau of Investigation], sa press, hindi nila ako pinatakas.
“Talagang bawal ang eskapo… Hindi naman ako nakulong kasi nakapag-bail ako. Ngayong bail-bail na lang!
“Pero okay na yon, positivity na lang. Ang importante, binigyan niya [Willie] ako ng cash, pangsimula muli.”
WILLIE ON ACCIDENTAL MEETING WITH RUFA MAE
Kuwento naman ni Willie, biglaan lamang ang pagkakita nila ni Rufa Mae noong araw ng paglaya ng aktres, January 9, 2025.
Agad daw niyang kinumusta si Rufa dahil alam niyang mabigat ang pinagdaraanan nito.
“Kumain kami nung anak kong si Juamee sa isang restaurant, e, walang silya kaya bumaba kami.
“So, nakita ko siya, may mga kasamang abogado, may mga pulis, may posas,” biro ni Willie.
Dagdag niya, “So, sabi ko, ‘Kumusta ka?’ Ayun yung time na kakalabas pa lang niya.”
Sa puntong ito ay isinapubliko ni Rufa Mae ang halaga ng ibinigay na tulong sa kanya ni Willie.
Pagmamalaki ni Rufa: “Binigyan po niya ako ng one million pesos noong nakita ko siya.
“Seryoso po ito, ha, noong nakita at nakausap ko po siya sabi niya, ‘[Sana tinawagan mo ako] para tinulungan kitang mag-bail.’
“Sabi pa niya, ‘Sige, bibigyan kita ng one million ngayon.’
“Sabi ko naman, ‘Bukas na lang, pag-isipan mo muna, baka nagugulat ka lang.’
“Sabi naman niya, ‘Hindi, naaawa kasi ako sa iyo, e, sa mga dinagdaanan mo, ganyan.'”
Ito raw ang rason kung bakit niya pinuntahan si Willie sa Wil To Win para personal na magpasalamat.
Ani Rufa Mae, “Kaya nga nandito po ako, kasi nga nagpapasalamat po ako. At saka sabi nga niya, at least para makita ng mga tao na I’m okay.
“Kaya we’re all okay, okay?”
RUFA MAE QUINTO’S CASE
Hapon ng January 9, 2025, nang makapagpiyansa si Rufa matapos niyang magpalipas ng gabi sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarters dahil sa patung-patong na kasong kinakaharap niya.
Sa NBI headquarters siya natulog gabi ng January 8, dahil hindi natapos ang proseso ng pagpipiyansa niya sa Pasay Regional Trial Court.
PHP1.7 million ang binayaran ng aktres para sa pansamantala niyang kalayaan.
Ang Kapuso actress ay nahaharap sa 14 counts ng violation of Section 8 ng Securities Regulation Code kaugnay ng mga reklamong isinampa ng investors laban sa Dermacare, ang beauty clinic na pag-aari ni Chanda Atienza.
Si Rufa Mae ay kinuhang celebrity endorser ng nasabing clinic.
Nadawit ang aktres sa kaso ng beauty clinic matapos magreklamo ang complainants na nag-invest sa beauty clinic at tinakbuhan ng may-ari.
Lumalabas ding hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang beauty clinic na magbenta ng securities.
Sa isa kasing negosyo, kinakailangan nito ng primary license mula sa SEC para lehitimong makapag-operate.
Ang secondary license naman ay kailangan para makapaghikayat ng iba na maging investor.
Nakasaad sa Securities Regulation Code (SRC) o Republic Act 8799, na dapat magrehistro sa SEC ang anumang negosyo o sinumang tao na tatanggap, magbebenta, o magpo-promote ng investment programs.