Janine Gutierrez raves about Venice Film Festival experience

Nagkaroon si Janine Gutierrez ng encounter kasama ang Hollywood at international celebrities noong dumalo siya sa 81st Venice International Film Festival kamakailan.

Janine Gutierrez at Venice Film Festival
Janine Gutierrez at Venice Film Festival 2024

Photo/s: Janine Gutierrez on Instagram

“Actually, ang talagang kinausap ko lang si Taylor Russell,” bulalas ni Janine Gutierez sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) over lunch noong September 12, 2024, sa SuperSam restaurant sa Sct. Tobias sa Quezon City.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

Pagpapatuloy pa ni Janine, “She’s an actress na nag-jury doon na ex ni Harry Styles. Idol ko silang dalawa.

“So, nakasalubong ko siya sa lobby so tinry kong magpa-picture.”

Ngunit nabigo si Janine na makapagpalitrato kasama si Taylor.

“Kasi sabi niya pawis na pawis daw siya,” at tumawa si Janine. “Sobrang init kasi.”

Si Taylor ay isang Canadian actress na nakilala sa mga proyektong Lost In Space, Waves, Escape Room, Bones and All, at marami pang iba.

janine’s experience at venice international film festival

Dumalo si Janine sa 81st Venice International Film Festival sa Italy para sa exhibition ng pelikula niyang Phantosmia na dinirehe ni Lav Diaz.

Janine Gutierrez
Phantosmia

Photo/s: Kapamilya Prime on Facebook

Apat na oras at labinglimang minuto ang haba ng pelikula.

First time ni Janine na makarating sa Venice. Dumating siya doon ng August 28 at umuwi ng September 4.

Ano ang una niyang naramdaman noong naroroon na siya?

“Oh, my gosh! Para siyang ano… parang po siyang Disneyland, yung pakiramdam ko,” bulalas ni Janine.

“Kasi di ba, susunduin ka ng water taxi, tapos… paglapag sa airport parang meron ng welcome booth dun para sa mga attendees ng film festival. Tapos, sila yung mag-aasikaso sa iyo.

“So iyon pa lang kinikilig na ako,” at tumawa si Janine.

JANINE ON VENICE EXPERIENCE: “SOBRANG MAGICAL”

Paglalarawan pa ng aktres, “Kasi Venice Film Festival, yung may malaking sign, ganyan, tapos dadalhin ka nila sa car, tapos from there sasakay ka ng water taxi.

“So yung water taxi pa lang, kilig na kilig ako kasi nakikita ko lang yun sa picture, e.

“Never pa naman talaga akong nakapunta sa Venice.

“Tapos, may kasabay ako na dalawa ding delegates ng film festival.

“Yung isa director from Ukraine, tapos isa para siyang PR expert from France. Parang halos magkaka-edad kami so nakakatuwa.

“Tapos, pagpasok mo doon sa mga canal, para siyang Disneyland, iyon yung pakiramdam. Tapos, super naka-smile ako, tapos tumatawa-tawa akong mag-isa.

Janine Gutierrez, Phantosmia, Venice International Film Festival
Janine Gutierrez in Venice

Photo/s: Janine Gutierrez (Instagram)

“Tapos, yung mga kasama ko parang natatawa na sa akin kasi tumatawa akong mag-isa.

“Kasi sobrang magical nung Venice pala.”

Pangarap daw talaga ni Janine na magkaroon ng pelikula na makakalahok sa isang prestigious international film festival.

Lahad pa niya, “Iyon talaga yung dream ko. Actually, hanggang ngayon may mga comment pa rin ako na nakukuha na… siyempre kinikilig ako na parang, ‘Bakit hindi ka sumali ng beauty pageant?’

“Hanggang ngayon tinatanong pa rin ako. Tapos… kasi ito talaga yung pangarap ko e, yung makapag… yung prestigious na film festival, it’s what I’ve always wanted.

“And then when I was there na may nakilala ako na Pinoy na taga-Venice na may picture siya with Mama Guy nung nag-Venice pala siya years ago.

”Hindi ko alam actually na nag-Venice si Mama Guy.

“So, iyon dream ko talaga siya. Ang ganda lang ng feeling na yung audience ng ibang mga bansa pinapanood yung mga pelikula natin, nakikinig sila ng Pilipino, ng Tagalog.

“Iyon talaga yung gusto ko.”

Dumalo sa 69th Venice International Film Festival noong September 2012 si Nora Aunor, na tinatawag ni Janine bilang Mama Guy dahil lola niya ang naturang Superstar.

Nanalo noon ng mga awards ang pelikulang Thy Womb na pinagbidahan ni Nora at idinirehe ni Brillante Mendoza.

Dagdag pang kuwento ni Janine, “Happy talaga ako na makapunta sa Venice Film Festival.

“Kasi when I was there, every day nakikita ko sa Instagram kung sino yung mga nagsisidatingan, like si Angelina Jolie, si Brad Pitt, yung kasunod namin sa red carpet si Julianne Moore.

“So parang, ‘Wow!’

“Just to be in the same place as them.”

Nakita man niya si Julianne ay hindi raw nakapagpa-picture si Janine sa Hollywood actress dahil medyo malayo ito sa kanya sa kahabaan ng red carpet.

janine on working with hazel orencio, lav diaz

Samantala, gumanap na ina ni Janine sa Phantosmia ang aktres na si Hazel Orencio, na siyang naging daan upang maging artista ni Lav si Janine.

Kuwento ni Janine, “Actually, I owe it also to Dreamscape.

“Kasi sa Dirty Linen, si Ate Hazel Orencio—who is Direk Lav’s longtime producer, assistant director and actress—kasama ko siya na, kami yung mga kasambahay sa bahay ng mga Fiero.”

Sa 2023 ABS-CBN drama series na Dirty Linen ay nagbida si Janine kasama ang mga gumanap na Fiero family na sina Zanjoe Marudo, Francine Diaz, John Arcilla, Janice de Belen, Angel Aquino, at Tessie Tomas.

Pagpapatuloy pang kuwento ni Janine, “So I kept telling her [Hazel] nung Dirty Linen na, ‘Ate, can I do anything for you pag meron kayong gagawin ulit ni direk Lav?’

“Super niligawan ko talaga siya na, ‘Kahit ano gagawin ko, I wanna work with you guys!’

“So I’m just grateful that she remembered.”

Pangalawang pelikula na ni Janine kay Lav ang Phantosmia.

May isa pa siyang natapos na pelikula para sa nabanggit na direktor pero hindi pa naipapalabas at wala pang titulo.

“So, after Dirty Linen iyon talaga po yung ginawa ko, dalawang pelikula kay Direk Lav.”

Pagbalik ni Janine sa Pilipinas ay sumalang na agad siya sa taping ng Lavender Fields, na number one show ngayon sa Netflix Philippines.