2 magsasaka kulong sa pagdadala ng di lisensyadong baril at marijuana

CAUAYAN CITY – Nadakip ng PNP Isabela ang dalawang magsasaka sa kasong paglabag sa R.A. 10591 at RA 9165 nitong ika-5 ng Hulyo, 2024 sa Purok 7, Brgy Bagnos, Aurora, Isabela.

Batay sa report, habang nagsasagawa ng Mobile Patrol  ang mga kasapi ng Aurora Police Station ay nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na di umano’y may dalawang lalakeng nakatambay sa harapan ng isang gusali sa kahabaan ng provincial road sa nasabing barangay na kung saan isa sa kanila ang may hawak na baril.

Agad na pinuntahan ng mga kapulisan ang nabanggit na lugar upang maberipika ang impormasyon at nakita ang isang  lalake na may hawak na baril. Hinanapan ang lalake ng kaukulang papeles ng dala nitong baril ngunit walang itong maipakita na naging dahilan ng kanyang pagkaaresto.

Nakumpiska mula kay alyas “Greg” ang Isang piraso ng nakaselyong pakete na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana; Isang Armscor Shotgun na may anim na bala,  Isang sling bag at kanyang single motor.

Samantala, nakumpiska naman kay alyas “Mico” ang Isang unit ng 38 caliber revolver; Pitong piraso ng live ammunition ng 12-gauge shotgun; Labing isang piraso ng live ammunition ng 38 caliber.

Ang mga suspek maging ang mga nasamsam na mga ebidensya ay dinala sa himpilan ng pulisya  para sa dokumentasyon at tamang disposisyon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.